Friday, June 19, 2009

"Ang Kahulugan ng Buhay"

Bakit ka ba nandito? Sino ka? Anong kailangan mo? Anong pinaglalaban mo? Anong kahulugan mo? Ng buhay mo? Para saan ba ito?Bakit nga ba tayo nandito sa mundo at sinasariwa ang mapait na katotohanan ng buhay dito kasabay ng walang kaparis na ligaya rin nito minsan.Bakit nga kaya?Gayong ang totoo, sa simula't simula pa ng ating kasaysayan ay ganito't ganito rin lang naman ulit ang sistema ng buhay at kapalaran dito. Ang mabuhay, matuto, magsikap at maghanap ng kani-kanyang kaligayahan o maipaglalaban, at magtagumpay man o hinde sa kani-kanilang misyon ay iisa din lang naman ulit ang dulo ng lahat.Kamatayan.Oo, dahil alam mo naman na yan, na walang permanente sa mundo, na wala tayong kakayahan upang salungatin ang mga natural na pangyayari dito...sa tao, sa buhay, maging sa ating kapalaran. Lahat may katapusan, 'di ba?Ngunit hinde po ako nakikipag-argumento kaninuman sa mga katanungang ito. At ang totoo'y wala rin po akong maibibigay na awtintikadong kapaliwanagan sa kahulugan ng buhay. Unang-una dahil alam naman na natin na bawat tao ay may kanya-kanyang pagkakaunawa at prinsipyo. Bawat isip at damdamin ay may kanya-kanyang personalidad. Hinde ko balak salungatin ang ilan o panigan ang karamihan. At malayong malayo ka kapag inisip mong pagkatakot lamang ang lahat ng ito sa hinaharap, o sa katotohanan. Mali po. Dahil ang sa akin ay sariling opinyon lang naman. Trip-trip ng lakwatserong imahinasyon 'ika nga. At ang nais ko lang naman isalaysay dine ay ang aking personal na pagkakaunawa ng buhay.'Yun.O kaya'y tawagin na natin itong isang pag-aanalisa (o pag-rerebisa) at paghahanap lamang ng kasagutan ng isang taong nasa krisis sa kalagitnaan ng kanyang buhay. Pero siguro naman hinde lang ako ang naiistorbo ng mga katanungang ito. Maging ikaw, kapatid mo, kaibigan, o katrabaho ay may kasingtulad ding mga tanong sa sarili minsan. Subalit mas marami sa atin ang dedma na lang para walang problema. Nagpapatianod na lang sila sa panahon, sa mundo, sa sistema. Para safe nga naman, para makaiwas. At maaaring praktikal at rasonableng kilos din nga naman dahil wala naman tayong mga magagawa para sumalungat o baguhin ang mundo. Wala tayong mga kapangyarihan. Hinde tayo si superman. Sino nga ba naman tayo para pangunahan ang bukas 'di ba? Kaya i-enjoy mo na lang ang buhay at wag ka nang tanong ng tanong, mabaliw ka lang n'yan. O, eh ano kung wala na yatang matinong tao sa mundo? Mababago ba natin 'yun? Hinde na.Tama nga naman.Ngunit sana mapanindigan mo ng tama ang mga rasong ito at wag kang magsasawa.Magsawa saan? Mapanindigan ang ano? Ano bang pinagsasabi mo?Ang tanong ko po ay kung bakit hinde mo tinapos ang pag-aaral mo? Wala na bang pera? O kung natapos mo man, eh bakit wala ka pa ring maayos na hanap-buhay? At kung maayos na man nga ang trabaho mo, eh bakit hinde ka pa rin komportable? Dahil ba may kulang? Dahil ba may iba ka nang gusto? O dahil mayroon ka na ngayong ibang mas gusto.Bakit ba mahirap hanapin ang kakuntentuhan sa mundo?Bakit ka sumiping sa iba? Bakit ka pumatay? Bakit nalulong sa droga ang anak mo at nagpakamatay? Bakit ka nagnakaw? Bakit ka nanggahasa? Bakit maraming kaguluhan, pagtatalo, away-away.Para saan ang giyera?Bakit araw-araw na lang ganito ang laman ng dyaryo?Bakit ganito ang mundo? Bakit mukhang hinde na yata tama? May mali ba? Nakanino?At bakit kailangan mong maghanap ng pera para sa mga mahal mo sa buhay, o para sa sarili mo, magpursige, kahit sa desperadong pamamaraan. Kahit hanggang magnakaw o pumatay kung kinakailangan. Tawag ng pangangailangan?Bakit? Bakit? Bakit?
Nakakatoreteng bakit.Ngayon, kung isa ka sa milyon-milyong sumusunod lang naman sa agos ng buhay at sumasabay lang naman sa sistema ng mundong ito, rasonable pa kaya ang ipinaglalaban mo? May kahulugan pa ba ang buhay mo? Bakit ka ba nakikipag-kumpetensya sa iba?Matira ang matibay 'di ba?O baka naman nagsawa ka din lang naman at nagpadala rin sa "tawag ng pangangailangan"?Paano kung ikaw o pamilya mo naman ngayon ang naging biktima? Asawa mo ang sumiping sa iba, Anak mo ang nagahasa, ikaw ang ninakawan. Hinde ka ba matutukso ng galit at sunggaban ang makapangyarihang kamay ng paghihiganti? Ang hustisya.Ang tawag ng pangangailangan.
Natural na sa ating kasaysayan ang mga taong bihag ng mga pekeng kahulugan ng buhay. Mga taong naging misyon na sa kanilang buhay ang mga makamundong prinsipyo at paniniwala. Punumpuno sila ng ideolohiya at ipinaglalaban na kahit sariling buhay ay handa nilang ialay para lang dito. Silang mga taong maaari nating tawaging mga bulag na alipin ng kanilang sariling kabaliwan. Subalit kabaliwan nga bang matatawag ang kanilang ipinaglalaban gayong ang totoo ay dito nila natagpuan ang kahulugan ng kanilang buhay. At isang makahulugang kamatayan para sa kanila ang pag-aalay ng buhay. Dahil kabaliwan nga bang matatawag kung mamatay ka man o pumatay sa ngalan ng Diyos mo? kabaliwan nga bang mamatay o pumatay para sa karangalan ng sarili mong bansa? Kabaliwan nga bang ipaglaban ang ekonomiya? Kabaliwan ba ang mamatay o pumatay dahil sa away sa lupa, o sa pera, o sa karapatan?At kabaliwan nga ba ang paghihiganti? Ang hustisya?Para sa akin, kabaliwan lamang ang ipinaglalaban o prinsipyo mo sa buhay kung ito'y sumasalungat na sa tinatawag nating "kunsensya", o kaya kapag ito'y lumilihis na sa "tamang" pag-ibig.Tamang pag-ibig? Ano ito?Halimbawaan natin: Kunyari napatay ng kanyang kaalitan sa kung anuman, o pulitika (kung sakali, dahil ito lang ang sikat at pangunahing dahilan ng away, alitan at patayan ng magkaka-pamilya din lang naman nating mga kababayan.) ang nag-iisa mong kapatid, o anak, o magulang, at mahal na mahal mo ang kapatid mong ito sa madaling sabi. Ngunit ngayong bigla s'yang pinaslang ng walang kalaban-laban, maghihiganti ka ba at agad ding papatayin ang pumatay sa mahal mong kapatid? O sa gitna ng galit mo ay humingi ng kapatawaran ang salarin sabay luhod sa harap mo't nagmamakaawa. Mapapatawad mo ba s'ya o pababayaan na lang sa batas ng tao ang kanyang mga kasalanan sayo?Sa ganitong pagkakataon, ang tamang pag-ibig para sa akin ay pweding sumilip na sa damdamin mo sa mga oras na 'yun. Ngunit kung sino at ano nga ba ang susundin o paninindigan mo ay hinde ko na alam.Sigurado ako na mayroong taong humahalakhak sa t'wing nakikita nila ang mundo o ang paligid nilang nagliliyab sa apoy, o puno ng kaguluhan, away at giyera. Silang mga taong pinaninindigan na na ang kahulugan ng buhay (para lang sa kanila siyempre) ay ang pagyakap sa mga bagay na kakaiba o hinde sang-ayon sa mayoriya. Kung ang karamihan ay nasa liwanag, sila 'yung mga taong magsisiksik sa kadiliman. Pinaniniwalaan nila't pinaglalaban na ang naturalesa ng tao ay masama, mga hayop, mga demonyo. Kaya ayos lang magpakatotoo. Ok lang magpaka-natural. Dahil mga hayop naman daw talaga tayo'di ba? At walang halaga para sa kanila ang mundong ito kung wala ang mga taong katulad nila. Walang kuwento, walang paikot-ikot lang na sistema, walang kumukontra. Lahat oo lang ng oo. Walang thrill!At sila ang balanse...sa akala nila. Sila ang pumupuno ng natural na pangangailangan ng tao, ang kaguluhan, ang kompetisyon, ang problema.Matatawag din natin ang mas mataas na uri nila bilang mga espiritu lamang, at sila ang nagpapalakas ng ating mga kalooban upang ipaglaban at panindigan ang paggawa ng kasamaan. Sila ang bumubulong sayo na siguradong mabu-boring ka lang ng sobra sa langit. Siempre dahil wala nga namang trip don, walang patayan, walang porn, walang thrash o death metal - o baka puro gospel lang lahat. Kasi bawal don ang puno ng galit at puno ng mga kahalayang musika sigurado. At higit sa lahat baka wala din don sex.Boring...At kayang-kaya ring manipulahin ng espiritung ito ang ating mga konsyus at sub-konsyus na kalooban. Kung kaya marami ka na ring mga katanungan at malupit na mga karunungan ngayon, tulad ng kung "Ano ba ang langit", at kung "Totoo nga ba ang Diyos o isa din lang naman itong likha ng tao sa pamamagitan ng konsyus n'yang pangangailan. Dahil kinakailangan nga naman ng tao ng isang bagay o Diyos na mapapagpatungkulan n'ya ng kanyang pagsamba at buong pusong pagpupuri. Dahil nadiskubre n'ya na walang silbi palang ituon ang pagsambang ito sa kanyang sarili lang. Pangit. Kaya may Diyos na mapagkukunan n'ya ng lakas at walang kasintulad na pag-asa dito sa mundo. Isang Diyos na kailangan natin.Tawag ng pangangailangan?Ngunit para sa akin, hinde yan ang mahalagang katanungan sa ngayon.Ang tanong ay kung ano nga ba talaga ang kahulugan ng buhay..?
Paikot-ikot nga lang ang mundo. Paulit-ulit lamang tayo dito. May isisilang, may mamamatay. Ngunit sabi nga sa pelikulang "K-PAX", ang mundo natin ay sobrang espesyal dahil punumpuno ito ng buhay na kahit dalawampu pang planeta ay kayang malikha galing dito. Ngunit ang kalawakang ito, ang planetang ito, lahat ng nandito, maging tayong mga tao ay may katapusan, dahil ang mundong ito'y lalawak pang muli at mag-ku-collapse, at muling lalawak, at muli din namang mag-ku-collapse, sa prosesong paulit-ulit lang magpakailanman. Ngunit ang hinde natin alam ay kapag lumawak muli ang palanetang ito, ang lahat ng bagay na nasa atin ngayon, o kung ano ka man ngayon ay ganon pa rin...mananatili. Lahat ng pagkakamali, paulit-ulit lang, mananatili. Magpakailanman.Kaya ang pinaka-magandang gawin, 'ika nga ni Prot (o Kevin Spacey) ay itama mo na ngayon ang kung anumang pagkakamaling nagawa mo, dahil ang ngayon...ang natatangi mo lang na pag-asa.Corny. Pero malaman 'di ba?Ano ba ang punto?Pagbabago.Pagsasatama.Rebulosyon.Paghahanap ng Kahulugan ng Buhay.Isang rebulosyong nakasentro hinde sa kung anumang gobyerno, o bansa, o mundo, kundi sa sarili lamang. Dahil anuman ang paroroonan ng ating mundo, ito'y hinde na natin alam, hinde na abot ng ating munting impluwensya. Hinde na natin saklaw.At isa pa'y hinde mo naman kayang baguhin ang mundo. Milagro lamang ang makakapagbago nito. Ngunit kung nagmamadali ka't gusto mo nang makakita ng milagro, simulan mo sa sarili mo. Maging isang munting milagro. Tiyak 'yan makakakita ka.
Ngunit paano?Diskarte mo na yan kung gusto mo dahil ang totoo'y hinahanap ko pa din lang naman yan sa ngayon.
At ang sa akin lang muna ay sabihin sa iyo, sa maniwala ka ma't sa hinde, na ang tunay na kahulugan ng buhay ay walang iba kundi Pag-ibig. Tamang Pag-ibig.Dahil ang tamang Pag-ibig na ito ang sa tingin ko'y buong tapang na ipinaglaban ni Jesukristo, kakambal ng Katotohanang inialay n'ya sa atin.
Ang Tamang Pag-ibig din na ito ang palagay ko'y sentro ng ipinapangaral sa atin ng mga dakilang guro ng ating kasaysayan, tulad ni Moses, Buddha, Zoroaster, Lao-tze, Muhammad. At marami pang iba.
Ang Tamang Pag-ibig din na ito ang pwersang nakabalot sa walang humpay na paghahanap ng tao ng kahulugan, ng kapayapaan (ng damdamin), ng kaligayahan.Subalit paano ba natin maaangkin o mahahanap ang pag-ibig na ito? Paano natin mararamdaman?
Maling mga katanungan.
Ang nararapat na tanong ay kung paano natin ito maibibigay. Kung paano natin maiaalay sa ating kapwa, sa ating pamilya, sa ating paligid, sa mundo. Kung paano.
Bakit?
Dahil kung ang hinahanap mo ay ang kahulugan ng buhay, ituring mo na rin na naghahanap ka din lang ng kaligayahan, at kapayapaan, at direksyon. Dahil alam mong ang lahat ng ito'y may koneksyon, magkakaugnay din lang naman, konektado. Ngunit mahirap pag-isahin at maangkin. At anuman ang pagpipilit mo't daanin pa man sa pwersahan ang lahat, imposible mo pa ring mahagilap ang pag-ibig na ito, ang kapayapaang hinahanap mo, ang kaligayahang pinagsisikapan mo. Dahil ang nakapagtataka ngunit nakakatuwang katotohanan nito ay imposibleng mahagilap ninuman ang mga bagay na ito nang hinde mo ibinibigay muna. Kaya nga siguro may kasabihan tayong "Wag mong gawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin sayo". 'Di ba?
'Yun.
Medyo magulo bang intindihin?Siguro.Ngunit dito sa mundo natural na ang maguluhan ka muna bago mo maunawaan ang lahat.
At sa huli, nais ko lang sabihin na ang tunay na kaligayahan ay hinde kailanman natatagpuan ng taong naghahanap nito dahil ito'y (ang kaligayahang ito, ang Tamang Pag-ibig na ito) inireregalo lamang sa kanya ng mundo at ng mga taong pinag-aalayan n'ya nito.
Bow.
Ang Kahulugan ng Buhay.

No comments:

Post a Comment